|
Pabula
-- ay isang maiksing kwentong kathang-isip na kinatha noong unang panahon. Ito ay ginagampanan ng mga hayop na nagsasalita at kumikilos na tulad ng tao. Ito ay tumatalakay sa mga kilos at pag-uugali na nangangailangang ituwid o baguhin dahil sa pagiging hindi mabuti o makatarungan.
Parabula
-- ay karaniwang hango sa Bibliya o Banal na Kasulatan. Sa mga Kristiyano, ang pabula ay mga pagtuturo at pangangaral ni Hesus noong nagsimula Siya sa Kanyang misyon sa daigdig.
Anekdota
-- ay isang maikling salaysay na karaniwang pumapaksa sa mga taong kilala sa iba't ibang larangan ng buhay. Ang layunin nito ay ipabatid ang isang katangian ng isang taong pinapaksa. Kung minsan, ito ay nagsasalaysay ng mga tunay na mga pangyayari at kung minsan naman ay bungang-isip lamang.
Ang Tsinelas -Anekdota ni Jose Rizal
Maganda ang dagat at ang ilog sa aming bayan sa Laguna. Bughaw na may halong luntian kapag walang sigwa. Ang tubig sa wawa ay napapaligiran ng mga kawayang sumasayaw na tila umiindak kapag nahihipan ng hangin. Ang mga bangkang may layag ay parang mga paru-parong puti na naghahabulan. Ang bangka ay karaniwang gawa sa kahoy na inukit sa matibay na kahoy na nakukuha sa aming gubat. Kung minsan ito ay may dalawang katig na gawa sa matitibay at mahabang kawayan upang ang bangka ay hindi gumiwang kapag ito ay nakatigil sa tubig. Karamihan sa gamit nito ay pangingisda nguni't sa aming lalawigan, ang ay ginagamit namin sa paglalakbay lalo na sa pagtawid sa ibayo ng dagat. Mas mabilis ito kaysa gumamit ng kalabaw o ng karetela. Naalala ko pa noon kasalukuyang kaming nakasakay sa bangka nang humulagpos ang isa kong tsinelas. Ang tsinelas ay ang gamit namin sa pagpasok at pagpunta sa mga lakaran kung saan ang bakya na gawa sa kahoy ay hindi nararapat. Mabilis itong inanod sa tubig bago ko nahabol para kunin. Malungkot ako dahil iniisip ko ang aking ina na magagalit dahil sa pagkawala ng aking tsinelas. Tiningnan ako ng nagsasagwan nang kinuha ko ang aking isa pang tsinelas at dali dali kong itinapon sa dagat, kasama ang dasal na mahabol nito ang kapares na tsinelas. "Bakit mo itinapon ang iyong isa pang tsinelas?" tanong sa akin ng kasamahan ko sa bangka. "Isang tsinelas ang nawala sa akin at walang silbi sa makakakita. Ang isang tsinelas na nasa akin ay wala ring silbi sa akin. Kung sino man ang makakuha ng pares ng tsinelas ay magagamit niya ito sa kaniyang paglakad. Napatingin ulit sa akin ang mama. Marahil naunawaan niya ang isang batang katulad ko. Jose Rizal ANTONIO LUNA ANG UNA NIYANG GURO Si Antonio Luna ay ipinanganak noong ika-29 ng Oktubre, 1866, sa Kalye Urbistondo, Binundok, Maynila. Siya ang bunso sa pitong magkakapatid. ang kanyang ama ay si Don Joaquin Luna at ang kanyang ina ay si Donya Laureana San Ygnacio. Natutuhan niya ang abakada sa isang gurong nagngangalang Maestro Intong. Pinag-aralan niyang mabuti ang kanyang mga liksyon. Ang kanyang guro ay madalas magulat sa kanya dahil sa kabilisan ng kanyang pagkatuto. Madali niyang natutuhan ang pagsulat at pagbasa. Natutuhan din niya ang aritmetika at Doktrina Kristyana. MAHILIG SA MUSIKA Si Antonio Luna ay mahilig sa musika. Kinagiliwan niya ang pagtugtog ng gitara, mandolina, at piyano. Madalas siyang sumulat ng tula na kanyang binibigkas sa mga haranahan at sa mga pagtitipon upang aliwin ang kanyang mga kaibigan. Madalas niyang binibigkas ang kanyang mga tula sa saliw ng kanyang gitara o kaya'y mandolina. NAG-ARAL NG MGA PAMAMARAANG MILITAR Si Antonio Luna ay nag-aral at naging dalubhas sa pagkamilitar. Nag-aral siya nito upang magkaroon ng lakas at pagtitiwala sa kanyang sarili. Mahusay siya sa mga larong pampalakas na nagpatigas ng kanyang mga kasu-kasuan, bisig, at mga laman, at nagpatalas ng kanyang mga mata. Sa gulang na labing-anim, siya ay nag-aral ng wastong paggamit ng espada. Nag-aral siya nito tuwing Sabado kay Don Martin Cartagena. Si Don Martin ay naging puno ng pangkat ng kabayuhan sa hukbo ng Espanya. Si Antonio Luna ay madalas magsanay sa pakikipag-arnis sa kanyang kapatid na si Juan Luna. MAHUSAY MAGLARO NG SIPA Isa sa mga klarong sariling atin na kanyang kinagiliwan ay ang larong sipa. Sa larong ito ay sinisipa ng paitaas ng isang manlalaro ang isang bolang yari sa yantok upang paratingin sa kalarong nasa katapat na hanay. Ang bola ay pinababalik ng kalaro sa pamamagitang ng pasipa rin. Ang kapatid niya o isa kayang kaibigan ang maiinit niyang makalaro. Siya ay naging bihasa sa larong ito sa pamamagitan ng sariling pagsisikap at pagsasanay. MAIBIGING MAGBASA NG MGA AKLAT Isa sa mga kinagigiliwan niyang gawin ay ang pagbabasa ng mga aklat.Kinagiliwan niya ang pagbabasa sapagkat ito'y nagbigay sa kanya ng karunungan at nagpatalas ng kanyang isip. Nang mag-aral siya sa Ateneo de Manila, tinulungan niya ang tagapangasiwa sa aklatan ng kanyang mga gawain upang makahiram siya ng mga aklat na ma babasa kung siya ay tapos na sa pagahahanda sa kanyang mga aralin. Ang tagapangasiwa ng aklatan ay nagkaroon ng giliw sa kanya dahil sa kanyang pagkamatulungin. ANG KANYANG PAG-IBIG SA KALAYAAN Dalawang araw bago mamatay si Heneral Antonio Luna, siya ay sumulat ng isang liham kay Bb. Conchita Castillo ng Batangas at sinabi niya sa kanyang liham ang kanyang labis na pagmamahal sa kalayaan ng ating bayan. Ganito ang kanyang sinabi sa kanyang liham niyang iyon: "Ah maniwala ka na kung hindi natin makakamtan ang kasarinlan, ang dahilan ay hindi tayo karapat-dapat; sapagkat walang lakas ang ating kalalakihan at walang makabayang katangian ang ating kababaihan. Hinihiling ko ang iyong tulong, sapagkat maraming maitutulong ang mga babae. "Sabihin mo sa ating kalalakihan na ang kasarinlan ay hindi maaaring makaamtan ng matiwasay, kailangang humarap sa panganib. Ang kasarinlan ay natatamo pagkatapos ng paglalaban, ng paghihirap, ng pagtitiis, ng pagpapakasakit at ng pagdaloy ng dugo. "Ngayon, kaibigan, ang tawag na iyon ay dapat tuparin, ang tawag na nagsasabing: Mabuhay ang kalayaan! Mabuhay ang kalayaan ng Pilipinas! Mabuti pa ang mamatay kaysa maipailalim ng kapangyarihan ng ibang bansa. Isinusumpa ko na aaking ipagtatanggol ang kalayaan ng aking bayan hanggang ako ay buhay." TAGUMPAY NA WALANG SALAPI Hindi niyo kailangan ang maging mayaman upang masabing nagtagumpay sa buhay o kayo'y maligaya. Ang katotohanang ito ay pinatutunayan ng maiikling kasaysayan ng inyong mababasa sa pitak na ito, tungkol sa mga dakilang tao ng nagsipatamo ng tagumpay, ngunit hindi nagsipagkamal ng kayamanan. Narito ang isang magandang halimbawa: May isang panahong nagkaroon ng isang makapangyarihang hari na dinapuan ng isang kataka-takang karamdaman. Naihatol na sa kanya ng kanyang manggagamot ang lahat ng inaakalang lunas, ngunit hindi nagkabisa. Ang hari ay patuloy na lumulubha araw-araw. Sa wakas, ang lalong pinakadalubhasang manggagamot ng hari ang nagsabing natuklasan na niya ang nararapat na lunas. "Kailangang isuot natin sa kanyang Kamahalan ang baro ng isang maligayng tao" ang pahayag. "Iyan ang tanging paraan upang mapanumbali ang kayang kalusugan." Dahil diya'y sinimulan ang paghahanap sa lahat ng dako ng isang maligayang tao. Kinapanayam ang lahat ng uri ng taong mayayaman, mga bantog, mga dakilang kawal, mga bangkero, mga diplomatiko, mga prisipe at mga pantas.Ngunit wala man ni isa man sa kanila ang na kapagsabing sila'y lubos na maligaya. Lahat sila'y may idinaraing. Sa kabilang dako, ang buhay ng hari ay parang kandilang nauupos nang unti-unti.Kaya ang paghahanap sa baro ng maligayang tao ay lalong pinag-ibayo. Isang araw, sa labas ng bayan ang mga nagsisipaghanap ay nakakita ng isang pulubing nakaayaapak at nagtatampisaw sa isang batis. Umawit siya ng buong kasiyahaan. "Bakit ka umaawit nang wari'y buong ligaya?" ang nagtatakang tanong sa pulubi ng mga tagapaghanap ng hari. "Sapagkat ako'y maligayang-maligaya," ang turing ng pulubi. "Wala akong anumang alalahanin sa aking buhay." Inakala nilang natagpuan na nila ang isang taong maligaya. Nasasabik na inalok nilang bilhin ang isang baro ng pulubi -- gaano man ang halaga. Biglang napabulalas ng halakhak ang pulubi. "Bakit ka nagtawa?" nagtatakang tanong ng mga sugo ng hari. "Hindi ko maipagbibili sa inyo ang aking baro," ang sagot ng pulubi "Sapagkat wala akong baro maliban dito sa suot ko!" Maraming mayayaman na nagdaranas ng karalitaang pangkaluluwa sa gitna ng kanilang mga tinatamasang kayamanang panlupa. Ang maraming mahihirap ang na nananagana sa kayamanang pangkaluluwa sa gitna ng karalitaang kanilang tinataglay. Nang isisnusulat ni Nathaniel Hawkthorne ang kanyang Scarlet Letter ay nagdaranas siya ng malaking pagdaralita. Kaya't ang isinusuot niya ay isang luma at gahing-gahing damit pambahay. Ngunit sa halip na idaing ang kanyang karalitaan ay ipignawalang bahala niya yaon. "Hindi man ako nag-aari ng isang lupain, ay ako naman ang tumatanggap ng pinakamalaking kaupahan sa buong bayan!" Isang maligayang pulubing walang baro, isang bantog na nobelistang may gahi-gahing damit-pambahay; sa kanila'y maidaragdag natin ang isang bantog na mangangatha ng musika na ang kuwelyo ay tadtad ng sulsi, ang pantalo'y kupas, at ang mga paa'y walang sapin man lamang, si Johannes Brahms. Isang gabi si Johannes Brahms ay hinandugan ng isang pagtitipon. Nang siya'y maupo sa harap ng piyano upang tumugtog ay nagbulung-bulungan ang mga panauhin nang makitang wala siyang suot na medyas. Ang kompositor ay marahang humarap sa mga panauhin at nagwika: "Ibig ninyong makita ang aking kahanga-hangang medyas?" At saka itinaas ang kanyang laylayan ng kanyang pantalon at hinugot ng bahagya sa kanyang sapatos ang paang walng medyas. BALAGTAS Isang matandang lalaki ang nakaratay sa banig. Siya ay hindi nakakikilos sapagkat patay ang kalahati ng kanyang katawan. Ang kaawa-awa ay matiyaga namang pinagsisilbihan ng kanyang kabiyak ng puso at ng mga anak na sa kaniya ay nagmamahal. "Kaawa-awa kong mga anak!" ang kanyang naibulong. "Walang kayamana ang maiiwan sa inyo ang inyong ama." "Ano iyon, Kiko?" ang tanong ng kanyang asawa, "May kailangan ka ba?" "Wala, wala" ang tugong mahina ng ay sakit. "Naaalaala ko lamang ang ating mga anak." "Huwag mo silang alalahanin. Ang alalahanin mo ay ang iyong katawan -- ang mapagaling ang iyong karamdaman." "Hindi, hindi na , Juana" ang iling ng lalaki. "Hindi na a ko gagaling. Kaawa-awa ka naman asawa ko. Wala akong kaligayahang naidulot sa iyo. Wala -- wala kundi dusa at pighati ang iyong nalasap sa aking piling." "Bakit kung anu-ano ba ang pinagsasabi-sabi mo?" ang tutol ng butihing babae. :Huwag nga iyan ang iyong isaisip." "Iyan ang katotohanan sapagkat ako ay isang makata lamang. Kaya aking asawa, makinig ka. Ipangako mo sa akin ngayon, ngayong hindi pa ako binabawian ng buhay ng Poong Maykapal, na hahadlangan mo ng buong kaya ang kahit sino sa ating mga anak na magkakahilig na maging makata. At ipangako mo, aking asawa, na puputlin mo ang mga daliri ng kahit na sino sa kanilang makaisip na gawing hanapbuhay ang pagsusulat. Ipangako mo." At ang matandang lalaking lantang-lanta ay pinagyamang muli ng kanyang maybahay at ng lumuluhang mga anak. Pagkalipas ng ilang araw, ang matanda ay binawian ng hiram na buhay ng Maykapal. Pumanaw na sa mundo ang Makata ng mga Makata -- si Balagtas. Ngunit sa kanyang mga anak at mga kaibigan ay iniwan niya ang isang kayamanang likha ng kanyang pusong nagdusa -- ang "Florante at Laura" PANGULONG QUEZON Sa Zamboanga, ang mga kasamahan ng Pangulong Quezon ay nagkakagulo noon. "Nasaan ang pangulo?" ang tanungan ng isa't isa. "Hanapin niyo!" ang may pabulyaw na utos ang nag-aalalang punong tagatanod. Hanap dito at hanap doon ang kanilang ginawa. Ngunit wala ang Pangulong Quezon. Samanatala, sa isang malaking bato sa pampang, isang lalaking may kakisigan ang matiwasay na nakikipag-usap sa isang matandang may hawak na walis. "Ay naku amang!" ang daing ng matanda. "Heto ako, isang mangwawalis ng daan. Bata-bata pa ako ng ako'y magsimulang gumanap ng tungkuling ito. Ngayon ay marami na akong anak. Ngunit heto -- mangwawalis pa rin ako hanggang ngayon. Ano ang magagawa sa akin ng pamaahalaan? Wala -- walang-wala! Ang aking arawang kita ay kulang pa sa aking bibig kaya't hirap na hirap kami amang. Ni hindi nakatuntong ng paaralan ang aking mga anak" "Marahil po naman ay malapit na kayong magamtipalaan ngayon" ang wika ng kausap. "Ngayon pa bang matanda na ako at mahina pa? Wala na akong pag-asa anak!" ang hinanakit ng matandang lalaki. "Huwag kayong mawalan ng pag-asa, Lolo" ang pang-aliw na wika ng kausap na sinabayan ng tindig at hawak sa bisig ng matanda. "Habang nabubuhay ang tao ay hindi dapat mawalan ng pag-asa," at pagkatapos ito ay lumakad na at sumama sa mga tagatanod na gulat na gulat nang siya'y matagpuang kausap ng magwawalis. Napatingin na lang ang matanda sa kanyang nakausap. Pagkaraan ng ilang araw, ang gantimpala ay dumating nga. Nataas ang tungkulin ng matanda at malaki ang naragdag sa sahod. Anong laki ng katuwaan ng mangwawalis! "Parang may bibig-anghel ang aking nakausap ng iyon!" ang wika niya sa kanyang maybahay pagakatapos niyang maikwento ang kaniyang pakikipag-usap sa hindi niya nakikilalang lalaki. Hinding-hindi nalaman ng matanda na ang kanyang nakausap at nadaingan ay ang Pangulong Quezon.
Epiko
-- ay mahabang patulang salaysay na iniaawit o binibigkas. Nahihinggil ang mga epiko sa mahihiwagang pangyayari o kabayanihang kinapapalooban ng mga paniniwala, kaugalian at mga huwaran sa buhay ng mga sinaunan g mamamayan ng isang bayan. Ang salaysay ay umiinog sa kabayanihan ng pangunahing tauhan, kung minsan ay hango sa mga karaniwang pangyayari ngunit kadalasan ay ukol sa mga di-karaniwang tao na may mga pambihirang katangiang nilikha lamang ng mga guni-guni.
Biag ni Lam-ang by: Pedro Bukaneg
Sina Don Juan at Namongan ay taga Nalbuan, ngayon ay sakop ng La Union. May isa silang anak na lalaki. Ito'y si Lam-ang. Bago pa isilan si Lam-ang, ang ama nito ay pumunta na sa bundok upang parusahan ang isang pangkat ng mga Igorota na kalaban nila. Nang isilang si Lam-ang, apat na hilot ang nagtulong-tulong. Ugali na nga mga Ilokano noong una na tumulong sa mga hilot kung manganganak ang maybahy nila ngunit dahil nga wala si Don Juan, mga kasambahay nila ang tumulong sa pagsilang ni Namongan. Pagkasilang, nagsalita agad ang sanggol at siya ang humiling na "Lam-ang" ang ipangalan sa kaniya. Siya rin ang pumili ng magiging ninong niya sa binyag. Itinanong pa rin niya sa ina ang ama, kung saan naroron ito, na di pa niya nakikita simula pa sa kanyang pagkasilang. Sinabi na ina ang kinaroroonan ng ama. Makaraan ang siyam na buwan, nainip na si Lam-ang sa di pagdating ng ama kaya't sinundan niya ito sa kabundukan. May dala siyang iba't- ibang sandata at mga antng-anting na makapag-bibigay-lakas sa kamiya at maaaring gawin siyang hindi makikita. Talagang pinaghandaan niya ang lakad na ito. Sa kaniyang paglalakbay, inabot siya ng pagkahapo kaya't namahinga sandali. Naidlip siya at napangarap niyang ang pugot na ulo ng ama ay pinagpipistahan na ng mga Igorote. Galit na galit si Lam-ang s nabatid na sinapit ng ama kaya mabilis na nilakbay ang tirahan ng mga Igorote. Pinagpupuksa niya ang mga ito sa pamamagitan ng dalang mga sandata at anting-anting. Ang isa sy kaniyang pinahirapan lamang saka inalpasan upang siyang magbalita sa iba pang Igorote ng kaniyang tapang, lakas at talino. Umuwi si Lam-ang nang nasisiyahan dahil sa nipaghiganti niya an pagkamatay ng ama niya. Nang siya'y magbalik sa Nalbuan, taglt ang tagumpay, pinaliguan siya ng ilang babaing kaibigan sa ilog ng Amburayan, dahil ito'y naging ugali na noon, na pagdating ng isang mandirigma, naliligo siya. Matapos na paliguan si Lam-ang, nanagmatay ang mga isda at iba pang bagay na may buhay na nakatira sa tubig dahil sa kapal ng libag at sama ng amoy na nahugasan sa katawan nito. Sa kabutihan naman may isang dalagang balita sa kagandahan na nagngangalang Ines Kannoyan. Ito'y pinuntahan ng binatang si Lam-ang upang ligawan, kasama ang kaniyang putting tandang at abuhing aso. Isang masugid na manliligaw ni Ines ang nakasalubong nila, Si Sumarang, na kumutya kay Lam-ang, kaya't sila'y nag-away at dito'y muling nagwagi si Lam-ang. Napakaraming nanliligaw ang nasa bakuran nina Ines kaya't gumawa sila ng paraan upang sila ay makatawag ng pansin. Ang tandang ay tumilaok at isang bahay ang nabuwal sa tabi. Si Ines ay dumungaw. Ang aso naman ang pinatahol niya at sa isang igalp, tumindig uli ang bahay na natumba. Nakita rin ng magulang ni Ines ang lahat ng iyon at siya'y ipinatawag niyon. Ang pag-ibig ni Lam-an kay Ines ay ipinahayag ng tandang. Sumagot ang mga magulang ng dalaga na sila'y payag na maging manugang si Lam-ang kun ito'y makapagbibigay ng boteng may dobleng halaga ng sariling ari-arian ng magulang ng dalaga. Nang magbalik si Lam-ang sa Kalanutian, kasama si Namongan at mga kababayan, sila Ines ay ikinasal. Dala nila ang lahat ng kailangan para sa maringal na kasalan pati ang dote. Ang masayang pagdiriwang ay sinimulan s Kalanutian at tinapos sa Nalbuan, kung saan nanirahan ang mag-asawa pagkatapos ng kasal nila. Isa parin s kaugalian sa Kailukuhan, na pagkatapos ng kasal, ang lalaki ay kinakalilangang sumisid s ilog upang humuli ng rarang (isda). Sinunod ni Lam-ang subalit siya ay sinamang palad na makagat t mapatay ng berkakan (isang urinng pating). Ang mga buto ni Lam-ang na nasa pusod ng dagat ay ipinasisid at pinatapon ni Donya Ines sa isang kalansay at tinakpan ng tela. Ang tandang ay tumilaok, ang aso ay kumahol at sa bisa ng engkanto, unti-unting kumilos ang mga buto. Sa muling pagkabuhay ni Lam-ang, ang mag-asawa ay namuhay nang maligaya, maluwalhati at matiwasay sa piling ng alagang putting tandang at abuhing aso.
IBALON
Ang hari ng Samar na si Haring Handiong ay may isang matapang na anak, si Baltog. Ang mag-amang ito ay naghahanap ng pook na maaaring tirhan ng kanilang nasasakupan. Naganap ito noong bago sumapit at pagkaraan ng Malaking Baha o Gunaw. Ang kapatagang pinanununghan ng mga bundok Masaraga, Lignion, Asog at Isarog ay nasasakop ng mga lupaing Ibalon at Aslon. Sa Ibalon, ang unang taong nakarating ay ang naghahanap na si Baltog. Dinala nya roon ang mga kabig nya upang ihanda ang pook na ito sa paninirahan ng kanilang nasasakupan. Maraming pinagdaanang hirap sina Baltog sa pook na ito bago niya tuluyang nailipat ang kanilang mga sakop dito. Sila'y pininsala ng isang dambuhalang baboyramo at sa pamamagitan ng pambihirang la.kas ni Baltog, an g dambuhalang ito ay nakuha nyang patayin at luyarin. Subalit hindi pa man tuluyang nalalagutan ng hininga ito, napaharap na naman sya sa isang kahindik-hindik na pangkat ng mga higanteng alimango, mga pating na may pakpak, at mga dambuhalang buwaya. Nakikinita-kinita na nilang maaaring magapi si Baltog dahil hapung-hapo na ito kayat si Haring Handiong at mga pangkat nya ay sumaklolo. Sila'y nagwagi at ito'y di nakalampas sa pandinig ni Oriol na isang mahiwagang ahas. Hindi ito nagustuhan ni Oriol kaya't naisipan nyang tuksuhin si Haring Handiong. Nagbalatkayo syang isang magandang babae. Si Haring Handiong ay naging matatag naman sa panunukso't pag-akit nito. Sa bandang huli, ang mahiwagang ahas pa ang tumulong sa hari sa pakikipaglaban sa masasamang ispiritu. Nang ang pook na ito ay maihanda na nang husto nina Baltog, si Haring Handiong at ang mga sakop nya ay tuluyan nang lumipat dito. Si Baltog na ang namuno sa kanila. Sya ang naging isang matapat at mapagmahal na pinuno. Makatarungan sya sapagkat pantay-pantay ang pagtingin nya sa lahat ng mga kabig nya. Si Haring Handiong naman ang nagturo sa mga tao ng maraming indutriya at mga pamamaraan ng pamumuhay. Ang mabuting pagpapasunuran ng panginoon at alipin ay ipinakita rin nila. Ito ang naging isang susi upang ang lahat ay naging maligaya, tahimik at matiwasay. Kaya't sa pamumuno nila, ang lahat ay nangingisiyahan sa pook na ito, sa Ibalon.
INDARAPATRA AT SULAYMAN
Nang unang panahon ayon sa alamat ang pulong Mindanaw ay wala ni kahit munting kapatagan. Pawang kabundukan ang tinatahanan ng maraming taong doo'y namumuhay. Maligaya sila sapagkat sagana sa likas na yaman.
Subalit ang lagim ay biglang dumating sa kanila na dati'y payapa. Apat na halimaw ang doo'y nanalot. Una'y si Kurita na maraming paa at ganid na hayop pagkat sa pagkain kahit limang tao'y kanyang nauubos.
Ang bundok Matutum ay tinirahan naman ng isang halimaw na may mukhang tao na nakatatakot kung ito'y mamasdan, ang sinumang tao na kanyang mahuli'y agad nilalapang at ang laman nito'y kanyang kinakain ng walang anuman.
Ang ikatlo'y si Pah na ibong malaki. Pag ito'y lumipad ang bundok ng Bita ay napadidilim niyong kanyang pakpak. Ang lahat ng tao'y sa kweba tumahan upang makaligtas. Sa salot na itong may matang malinaw at kukong matalas.
Ang bundok Kurayang pinananahanan ng maraming tao ay pinaglalagim pa ng isang ibong may pito ang ulo; Walang makaligtas sa bagsik ng kanyang matalas na kuko pagkat maaaring kanyang matanaw ang lahat ng tao.
Ang kalagim-lagim na kinasasapitan ng pulong Mindanaw ay nagdulot- lungkot sa maraming baya't mga kaharian; si Indarapatra na haring mabait dekila't marangal ay agad nag-utos sa kanyang kapatid na prisipeng mahal.
“Prinsipe Sulayman, ako'y sumasamo na iyong iligtas ang maraming taong nangangailangan ng tulong mo't habag” “O mahal na hari na aking kapatid, ngayon din lilipad at maghihiganti sa mga halimaw ang talim ng tabak.”
Binigyan ng isang singsing at isang ispada ang kanyang kapatid upang sandatahin at pakikibaka. Kanyang isinabit sa munting bintana ang isang halaman at saka nagsulit; “Ang halamang ito'y siyang magsasabi ng iyong nasapit.”
Nang sya'y dumating sa tuktok ng bundok na pinaghaharian nitong si Kurita, sya ay nagmasid at kanyang natunghan ang maraming nayon wala kahit isang taong tumahan. “Ikaw'y magbabayad, mabangis na hayop!” yaong kanyang wika.
Di pa nagtatagal ang kanyang sinabi, nagimbal ang bundok at biglang lumabas itong si Kuritang sa puso'y may puot. Sila'y nagbaka at hindi tumigil hanggang sa malagot an tangang hininga niyong si Kurita sa lupa ay salot.
Tumatag ang pusong nitong si Sulayman sa kanyang tagumpay kaya't sa Matutum, ang hinanap naman ay si Tarabusaw; sa tuktok ng bundok ay kanyang namalas ang nakakahambal na mga tanawin; “Ngayon di'y lumabas ng ika'y mamatay.”
Noon di'y nahawi ang maraming puno sa gilid ng bundok at ilang saglit pa'y nagkaharap silang puso'y nagpupuyos. Yaong si Sulayma'y may hawak na tabak na pinang-uutos. Ang kay Tarabusaw na sandata nama'y sangang panghambalos.
At sa paghahamok ng dalawang iyong balita sa tapang, ang ganid na hayop sa malaking pagod ay napahandusay. “Ang takdang oras mo ngayo'y dumating na.” sigaw ni Sulayman at saka isinaksak ang kanyang sandata ang pusong halimaw.
Noon di'y nilipad niyong si Sulayman ang bundok ng Bita; Siya'y nanlumo pagkat ang tahanan sa tao ay ulila; Ilang sandali pa ay biglang nagdilim gayong maaga pa at kanyang matantong ang kalabang ibon ay dumarating na.
Siya ay lumundag at kanyang tinaga ang pakpak ng ibon Datapwa't siya rin ang sinamang- palad na bagsakan niyon; sa bigat ng pakpak, ang katawan niya'y sa lupa bumaon kaya't si Sulayman noon ay na libing na walang kabaong.
Ang kasawiang ito ay agad nabatid ng mahal na hari pagkat ang halamana noon di'y nalanta't sanga'y na ngabali; “Siya ay patay na!” ang sigaw ng kanyang namumutlang labi, Ang kamatayan mo'y ipaghihiganti buhay ma'y masawi”
Nang siya'y dumating sa bundok ng Bita ay kanyang binuhat ang pakpak ng ibon. Ang katawang pipi ay kanyang minalas. Nahabag sa kanya ang kanyang bathala; biglang nagliwanag at ilang saglit pa may nakita niya ang tubig na lunas.
Kanyang ibinuhos ang tubig na yaon sa lugaming bangkay At laking himala, ang kanyang kapatid ay dagling nabuhay. Sila ay nagyakap sa gitna ng galak at ang katuwaan, saka pinauwi itong si Sulayman sa sariling bayan.
Sa bundok Kurayan na kanyang sinapit ay agad hinanap ang ibong sa tao'y nagbibigay lagim at nagpapahirap dumating ang ibong kay laki ng ulo at ang kuko – matalas subalit ang kalis ni Indarapatra'y nagwagi sa wakas.
Sa kanyang tagumpay may isang diwatang bumating magalang “Salamat sa iyo, butihing bayani na ubod ng tapang, kaming mga labi ng ibong gahaman ngayo'y mabubuhay.” At kanyang namalas ang maraming taong noo'y nagdiriwang.
Nabihag ang puso ng mahal na hari sa ganda ng mutya kaya't sa naroon ay kanyang hiniling na lakip ng sumpa na sila' ikasal. Noon di'y binuklod ng isang adhika ang kanilang puso, “Mabuhay ang hari!” ang sigaw ng madla.
Ang tubig ng dagat ay tila hinigop sa kailaliman at muling lumitaw ang lawak ng lupang pawang kapatagan; Si Indarapatra'y hindi na bumalik sa sariling bayan at dito naghari sa mayamang lupa ng pulong Mindanaw. Kwentong-Bayan
-- ay isang karaniwang nakakapanindig-balahibong salaysay tungkol sa mga nuno sa punso, mga aswang at kapre, mga multo at mangkukulam, at marami pang kababalaghang bagay. Maaari ring makasakit-tiyang katatawana n tungkol kay Juan o kaya naman mga romansang ginagampanan ng mga hari, prinsipe, prinsesa, at mga dalagang anak-maralita na nagkaroon ng magandang kapalaran.
SI JUAN AT ANG MGA ALIMANGO
Isang araw si Juan ay inutusan ng kanyang inang si Aling Maria. "Juan, pumunta ka sa palengke at bumili ng mga alimangong maiuulam natin sa pananghalian. "Binigyan ng ina si Juan ng pera at pinagsabihang lumakad na nang hindi tanghaliin.
Nang makita si Juan sa palengke ay lumapit siya sa isang tinderang may tindang mga alimango at nakiusap na ipili siya ng matataba. Binayaran ni Juan ang alimango at nagpasalamat sa tindera.
Umuwi na si Juan ngunit dahil matindi ang sikat ng araw at may kalayuan din ang bahay nina Juan sa palengke ay naisipan ni Juan na magpahinga sa ilalim ng isang punungkahoy na may malalabay na sanga. Naisip niyang naghihintay sa kanya ang ina kaya't naipasya niyang paunahin nang pauwiin ang mga alimango. "Mauna na kayong umuwi, magpapahinga muna ako, ituturo ko sa inyo ang aming bahay. Lumakad na kayo at pagdating sa ikapitong kanto ay lumiko kayo sa kanan, ang unang bahay sa gawing kaliwa ang bahay namin. Sige, lakad na kayo."
Kinalagan ni Juan ang mga tali ng mga alimango at pinabayaan nang magsilakad ang mga iyon. Pagkatapos ay humilig na sa katawan ng puno. Dahil sa malakas ang hangin ay nakatulog si Juan. Bandang hapon na nang magising si Juan. Nag-inat at tinatamad na tumayo. Naramdaman niyang kumakalam ang knyang sikmura. Nagmamadali nang umuwi si Juan. Malayu-layo pa siya ay natanaw na niya ang kanyang ina na naghihintay sa may puno ng kanilang hagdan. Agad na sinalubong ni Aling Maria ang anak pagpasok nito sa tarangkahan. "Juan, bakit ngayon ka lang umuwi, nasaan ang mga alimango?" "Bakit po? Hindi pa po ba umuuwi?" Nagulat ang ina sa sagot ni Juan. "Juan, ano ang ibig mong sabihin?" Nanay, kaninag umaga ko pa po pinauwi ang mga alimango. Akala ko po ay narito na."
"Juan, paanong makauuwi rito ang mga alimango? Walang isip ang mga iyon." Hindi naunawaan agad ni Juan ang paliwanag ng ina. Takang-taka siya kung bakit hindi nakauwi ang mga alimango. Sa patuloy na pagpapaliwanag ng ina ang mga alimango ay hindi katulad ng mga tao na may isip ay pagpapaliwanag ni Juan na mali nga ang ginawa niyang pagpapauwi sa mga alimango.
Kuwentong bayan ng Maranaw NAGING SULTAN SI PILANDOK
Ang kinagigiliwang Juan ng katagalugan ay may katumbas sa mga Maranaw - si Pilandok. Si Pilandok ay nahatulang ikulong sa isang kulungang bakal at itapon sa dagat dahil sa isang pagkakasalang kanyang ginawa. Pagklipas ng ilang araw, ang sultan ay nanggilalas nang makita si Pilandok sa kanyang harap na nakasuot ng magarang kasuotan ng sultan. Nakasukbit sa kanyang baywang ang isang kumikislap na ginituang tabak. "Hindi ba't itinapon ka na sa dagat?" nagtatakang tanong ng sultan kay Pilandok. "Siya pong tunay, mahal na Sultan," ang magalang na tugon ni Pilandok. "Paanong nangyaring ikaw ay nasa harap ko at nakadamit nang magara? Dapat ay patay ka na ngayon," ang wika ng sultan. "Hindi po ako namatay, mahal na sultan sapgkat nakita ko po ang aking mga ninuno sa ilalim ng dagat nang ako'y sumapit doon. Sila po ang nagbigay sa akin ng kayamanan. Sino po ang magnanais na mamatay sa isang kahariang masagana sa lahat ng bagay?" ang paliwanag ni Pilandok. "Marahil ay nasisiraan ka ng bait," ang sabi ng ayaw maniwalang sultan. "Nalalaman ng lahat na walang kaharian sa ilalim ng dagat." "Kasinungalingan po iyan! Bakit po naririto ako ngayon? Ako na ipinatapon ninyo sa gitna ng dagat. Ako na ikinulong pa ninyo sa hawla ay naririto ngayon at kausap ninyo," ang paliwanag ni Pilandok. "May kaharian po sa ilalim ng dagat at ang tanging paraan sa pagtungo roon ay ang pagkulong sa hawla at itapon sa gitna ng dagat. Ako po'y aalis na at marahil ay hinihintay na ako ng aking mga kamag-anak." Umakmang aalis na si Pilandok. "Hintay," sansala ng sultan kay Pilandok. "Isama mo ako at nais kong makita ang aking mga ninuno, ang sultan ng mga sultan at ang iba ko pang kamag-anak." Tatawagin na sana ng sultan ang mga kawal ngunit pinigil siya ni Pilandok at pinagsabihangwalang dapat makaalam ng bagay na iyon. Dapat daw ay mag-isang pupunta roon ang ultan sa loob ng isang hawla. "Kung gayon ay ilagay mo ko sa loob ng hawla at itapon mo ako sa gitna ng dagat," ang sabi ng sultan. "Sino po angmamumuno sa kaharian sa inyong pag-alis?" ang tanong ni Pilandok. "Kapag nalaman po ng iba ang tingkol sa sinabi ko sa inyong kaharian sa ilalim ng dagat ay magnanais silang magtungo rin doon." Sandaling nag-isip ang sultan at nakangiting nagwika, "Gagawin kitang pansamantalang sultan, Pilandok. Mag-iiwan ako ngayon din ng isang kautusang ikaw ang pansamantalang hahalili sa akin." "Hintay, mahal na Sultan," ang pigil ni Pilandok. "Hindi po ito dapat mlaman ng inyong mga ministro." "Ano ang nararapat kong gawin?" ang usisa ng sultan. "Ililihim po natin ang bagay na ito. Basta't ipagkaloob ninyo sa akin ang inyong korona, singsing at espada. Pag nakita ang mga ito ng inyong kabig ay susundin nila ako," ang tugon ni Pilandok. Pumayag naman ang sultan. Ibinigay na lahat kay Pilandok ang hinihingi at isinakay sa isang bangka. Pagdating sa gitna ng dagat ay inihagis ang hawlang kinalululanan ng sultan. Kaagad lumubog ang hawla at namatay ang sultan. Mula noon si Pilandok na ang naging sultan.
Ito ay isang kuwentong bayan ng Tinggiyan Eclipse Noong unang panahon ay may mag-asawang may mabuting pagpapasunuran at pagmamahalan. Sila'y sina Adlaw at Bulan. Nagkaanak sila ng maraming bituin. Napansin ni Adlaw na lubha ng masikip sa kanilang bahay sapagkat patuloy na nag-aanak si Bulan. Kinausap ni Adlaw si Bulan at sinabi sa asawa na pagpapatayin nila ang iba nilang mga anak upang lumuwag ang kanilang tirahan.Tinutulan ni BUlan ang mungkahi ni Adlaw at ito ang naging dahilan ng mainit nilang pagkakagalit. Wala nang katahimikan sa kanilang bahay sapagkat halos araw-araw ay nag-aaway sila. Hindi na nakatiis si Bulan at ipinasya niyang makipaghiwalay sa asawa na lalo namang ikinagalit ni Adlaw. Hindi nagtagal ay pumayag na rin si Adlaw na makipaghiwalay sa kasunduang isasamang lahat ni Bulan ang mga anak na bituin at hindi na pakikita sa kanya ang mag-iina. Kaya mula noon, makikitang nag-iisang sumusikat si Adlaw (Araw) sa araw at sa gabi naman ay lumilitaw si Bulan (Buwan) kasama ang mga anak na bituin. Kapag ang dating mag-asawa'y nagkakatagpo ay lalong tumitindi ang poot ni Adlaw kay Bulan kaya hinahabol niya ito na nagiging dahilan ng eclipse.
Ito ay isang Kuwentong Bayan ng Ilocos: ANG DIWATA NG KARAGATAN
Sa isang nayon, ang mga tao ay masaya at masaganang namumuhay. Mapagpala ang kalikasan sa kanila. Ang pangunahing hanapbuhay nilay ay ang pangingisda. Sagana sa maraming isda ang karagata. May isang diwatang nagbabantay at nag-aalaga sa mga isda at ito'y nalalaman ng mga taganayon. Ngunit may mga taong sakim, ibig nilang makahuli ng maraming-maraming isda upang magkamal ng maraming salapi. Gumamit sila ng dinamita kaya't labis na napinsala ang mga isda, pati ang maliliit ay namatay. Nagalit ang diwata sa kasakiman ng mga tao kaya't mula noon ay wala nang mahuli kahit na isda ang mga tao. Naghirap at nagutom ang mga tao at naging pangit na rin ang karagatan na dati'y sakdal ganda. Nagpulong ang mga taganayon at napagpasyahan nilang humingi ng tawad sa diwatang nangangalaga sa karagatan. Nakiusap din silang ibalik na ang dating ganda ng karagatan at gayundin ang mga isda. Nangako sila na hindi na gagamit ng anumang makasisira sa kalikasan.
Mula nang sila'y humingi ng tawad sa diwata ay bumalik na ang ganda ng karagatan at muling dumami ang mga isda. Nanaganang muli ang kabuhayan ng mga tao.
Kuwentong-bayan ng bisaya ANG BATIK NG BUWAN
Mag-asawa ang araw at ng buwan. Marami silang mga anak na bituin. Gustung-gusto ng araw na makipaglaro sa kanyang mga anak at ibig na ibig niyang yakapin ang mga ito ngunit pinagbawalan siya ng buwan sapagkat matutunaw ang mga bituin sa labis na init ng araw. Kinagagalitan ng araw ang mga anak kapag lumalapit sa kanya. Isang araw, nagtungo sa ilog ang buwan upang maglaba ng maruruming damit. Ipinagbilin niya sa asawa na bantayan ang mga anak ngunit huwag niyang lalapitan ang mga ito. Binantayan nga ng araw ang mga anak. Buong kasiyahan niyang pinanood ang mga ito habang naghahabulan. Nakadama siya ng pananabik at hindi siya nakatiis na hindi yakapin ang mga anak. Bigla niyang niyakap ang lipon ng maliliit na bituin nang madikit sa kanya ay biglang natunaw. Hindi naman nagtagal at umuwi na ang buwan. Nagtaka siya sapagkat malungkot ang asawa. Naisipan niyang bilangin ang mga anak ngunit hindi nya nakita ang maliliit kaya't hinanap niya ang mga ito kung saan-saan. Hindi niya matagpuan ang mga anak. Sa gayo'y sinumabatan niya ang asawa. "Niyakap mo sila? Huwag kang magsisinungaling!" Hindi na naghintay ng sagot ang buwan. Mabilis niyang binunot ang isang punong saging at tinangkang ipukol sa asawa na nakalimutan na ang kanyang kasalanan. Ang tanging nasa isp niya ay kung paano niya maipagtatanggol ang sarili sa asawang galit na galit. Dumampot siya ng isang dakot na buhangin at inihagis sa nukha ng buwan at dahilan sa nangyari ay nagkaroon ng batik ang mukha ng buwan. Hinabol ng buwan ang araw upang makaganti sa ginawa nito sa kanya at hanggang ngayon ay hinahabol pa rin ng buwan ang araw. |